Alas-tres na
ng hapon ngunit hindi pa rin ramdam ang kapaguran sa aming mga paa na nakatayo
sa syudad ng Maynila. Kami ay nagtungo na sa iba pang lugar na dinarayo ng mga
tao sa Maynila tulad ng makasaysayang Intramuros, ngunit hindi pa roon
natatapos ang sarili naming itineraryo. Dalawang taon na ang nakalipas ng ako
at ang aking mga kaibigan ay nagtungo sa isang lugar na kailanman ay hindi ko
malilimutan. Mahaba-habang lakaran ang aming ginugol upang malaman kung ano ang
mayroon sa lugar na ito at bakit dinarayo ng madaming tao. Mula sa aming bayang
San Jose Del Monte, kami ay sumakay ng pampasaherong bus patungong Doroteo,
Sta. Cruz, Maynila dahil roon ang lokasyon ng terminal ng nasabing
transportasyon, ang pamasahe ay nagkakahalagang 60 pesos sapagkat kami ay
estudyante pa lamang. Pagbaba sa terminal ay dali-dali na kaming nagtungo sa istasyon
ng Doroteo at agad na sumakay ng tren patungong istasyon ng United Nation, sa
kadahilanang kami ay tumungo muna sa Intramuros. Pagkatapos matuklasan ang
ganda ng Intramuros, napagisip-isip naming magkakaibigan na magtungo sa
kakaibang lugar. Muli kaming sumakay ng tren papunta sa istasyon ng Carriedo
hanggang sa dinala na kami ng aming mga paa sa isa sa mga sikat na destinasyon
sa Maynila, ang Binondo Chinatown.
“Kung Hei Fat Choi!”. Ang Binondo ay isang distrito sa Maynila na pamayanan ng mga imigranteng Tsino, ito ay tinaguriang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo na itinatag noong 1594. Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, napadpad na rito ang mga mangangalakal na Tsino upang makipagpalitan ng kanilang mga produkto at ang impluwensya ng kultura ng mga Tsino.
"Arch of Goodwill" |
Merong mga pampasaherong dyip na maaaring sakyan papuntang Binondo ngunit mas pinili naming maglakad upang sulit ang pagpunta naming sa Maynila. Pagkatapos ng mahabang lakaran ay tumambad na sa amin ang isang arko na may nakalagay na “Arko ng Mabubuting Pakikisama” o “Arch of Goodwill”, ito ay ibig sabihin na kami ay nasa kalye ng Ongpin. Sa pagpasok sa lugar na ito makikita agad ang kaliwa’t kanan na mga tindahan ng mga kumikinang na alahas, dito ay makapipili ka ng alahas na babagay sa’yo ngunit paalala lamang na huwag agad magpasilaw sa kinang ng mga alahas sapagkat iilan sa mga tindahan ay peke ang produkto ngunit ibinebenta pa rin sa mataas na halaga kaya’t mas maigi na magtanong sa iba’t ibang tindahan at maging mapanuri.
Lion and Dragon Dance Parade |
Sa patuloy na paglalakad ay unti-unti na namin naririnig ang papalakas na tunog ng mga tambol, nakakita kami ng grupo ng mga kabataan na nakasuot ng damit na kulay dilaw at pula at sinasayaw ang tradisyunal na “Lion and Dragon Dances”; ang Dragon ay simbolo ng kalakasan, tagumpay, karunungan at pagkamayabong. Sila ay humihinto sa napiling tindahan upag isagawa ang tradisyon na ito at depende na lamang sa may-ari kung aabutan sila ng “Ang Pao” o sa ingles ay “Red Envelopes”, ito ay naglalaman ng pera at pinaniniwalaang nagbibigay ng swerte sa tatanggap nito. Tandang-tanda ko pa na napapasayaw pa ang aking mga kaibigan dahil sa beat ng tambol.
Dumplings of Dong Bei Restaurant |
Tuwing ako ay
titingala ay hindi agad kalangitan ang aking nasisilayan kundi ang matataas na
gusali, halos lahat ng mga gusali roon ay napakatataas at tabi-tabi, napapaisip
na lamang ako na kapag nagkaroon ng lindol ay malaking pinsala ang maiiwan nito
sa Binondo. Hindi lamang alahas ang maaring makita at mabili rito pati na rin
ang mga samu’t saring mga pampaswerte. Bukod sa mga lucky charms, hindi rin
magpapahuli ang mga ipinagmamalaking pagkain ng Binondo tulad ng pinakasikat na
Dumplings ng Dong Bei Restaurant sa kalye ng Yuchengco, ang kainan na ito ay
isa sa pinakarekomendasyon ng mga tao kung ikaw ay kakain sa Binondo Chinatown;
lagi itong pinipilahan sa sarap ng mga pagkain dito. Kung hanap mo naman ay
Chinese meryenda, maari mong subukan ang Tikoy at Hopia sa panaderya ng Ho-land
sa may kalye pa rin ng Yuchengco. Kung ikaw ay streetfood lover, maari mong subukan
ang mga pagkaing Chinese Empanada, Fried Porkchop, Barbeque Skewer, Kakanin, at
iba pa. Nakalulungkot lamang na hindi naming natikman ang mga pagkaing ito
sapagkat kami ay busog na at sa haba ng pila. Ilan lamang ‘yan sa ipinagmamalaking
pagkain sa Binondo Chinatown na binabalik-balikan ng mga tao.
Kapag sinabing Binondo Chinatown, ang naiisip agad natin ay mga Instik, Chinese food, lucky charms, at alahas. Para sa akin, ang tunay na simbolo ng lugar na ito ay ang pagsisikap ng mga tao upang hindi malugi ang kanilang mga negosyo dahil sa dami ng mga tindahan sa Binondo, mahirap makipag kumpitensya ngunit kailangan itong gawin. Masasabi kong buhay na buhay ang lugar na ito sapagkat saang direksyon man tayo tumingin at tumungo, maingay at iba’t ibang mga wangis ng tao ang ating makasasalamuha. Sa totoo lamang, hindi naman mismo ang lugar ang dahilan kung bakit natin naaalala ang mga ganitong pagkakataon, bagkus ito ay dahil sa mga ala-alang ikaw mismo ang bumuo sa anumang lugar. Maaaring isipin ng tao na wala namang espesyal sa Binondo ngunit natuklasan ng dalawang mata ko ang tunay na mundo na kung saan lahat ng tao ay abala, nagsasakripisyo, at nakikipagsapalaran. Nasa sa atin naman kung paano natin titignan ang isang lugar.
Ang paglalakbay na ito ay napuno ng mga kwento, halakhak, at pagod ngunit ito ang paglalakbay na hindi namin malilimutan sa taglay na ganda ng Binondo at sa mga bagay na aming natuklasan. Kakakirampot lamang ang mga bagay na aking ibinahagi sa dami ng pasikot-sikot sa Binondo, maaaring ikaw ang makatuklas sa mga bagay, kainan, tindahan at destinasyon sa loob ng Binondo na hindi pa alam ng karamihan. Ang Binondo Chinatown ay isa sa mgadestinasyon na maari mong puntahan pagkatapos ng pandemya na ating kinakaharap, muli, Kung Hei Fat Choi!